Hindi madali ang mag-move on. Kung pwede nga lang sana na pagkagising mo kinabukasan, limot mo na ang lahat, di ba? O kaya kung may gamot ng kalimot na pwedeng inumin, mas madali sana ang buhay. Ang masakit kasi sa lahat, 'yung pag-asa na lahat ng sakit na nararamdaman mo ay magiging okay ulit, na babalik ulit ang lahat sa normal, sa nakasanayan mo. Kaso hindi ganon, dapat harapin ang sakit. Sabi nga ni Beauty Gonzales doon sa Starting Over Again, "Yang hope na yan, nakakalason yan e." Totoo naman, sa lahat ng nakakasakit 'yang pesteng hope na yan.
Kaya tuwing naaalala kita, o hinihintay ko ang text mo, pinapagalitan ko ang sarili ko. "Ayan, umaasa ka na naman e, wala na yon. Walang kwenta yon." Tuwing magigising ako kapag alas tres ng madaling araw at sisilipin ko kung nagtext ka, binubulungan ko ang sarili ko na "Mas masarap matulog, 'wag mo nang isipin yon." So far, effective naman siya. Hindi katulad dati na daig ko pa ang umattend ng burol. Kapag nagising ako ng alas tres, di na ako makatulog ulit. Kasi hanggang umaga ko na titiisin yung sakit sa dibdib ko na hindi mo na ako naaalala sa mga oras na yun.
Ngayong araw na 'to may nabasa ako sa Facebook. 'Yun naman ang hobby ko e, magbasa-basa ng kung ano-anong kaemohan sa Facebook, Instagram, at Twitter. Sabi doon, "No one can take anyone away from you. They leave because they want to." Naisip ko, totoo nga iyon. Baka naman dati mo pang gustong iwan ako. Nagkataon lang na wala ka pang maisip na dahilan. Kasi hindi ka naman niya mapipilit kung ayaw mo. Sabi pa nga noong isang panot sa Facebook, "Marami akong nakikitang mas maganda sayo. Pero pumipikit nalang ako kasi mahal kita." Eh hindi mo na nagawang pumikit, baka nga hindi talaga ako ang para sa'yo. Gayundin, hindi ikaw ang para sa akin.
Hindi na ako masyadong nabibitter ngayon. Hindi na din ako masyadong naiiyak. Siguro natuto na din akong mag-let go at tanggapin lahat ng ito. Sa katunayan, lahat ng mga pinopost ko sa Instragram ko hindi naman para sa'yo yun e. More like para sa akin. Iyon kasi ang way ng pag-cope ko. Pang-cheer up ba sa sarili ko. Kailangan ko kasing ma-express ang feelings ko through words. Sa dami ng nasalihan kong essay writing contest versus sa walang speech contest na nasalihan ko, malinaw na siguro sa'yo na mas madali para sa akin ang magsulat kaysa sa magsalita. Kaya kung ano man ang nakikita mo doon sa IG ko, hindi na yon para sa'yo. Para yon sa nangyari sa 'ting dalawa. Isang alaala.
Minsan nagpapasalamat din ako doon sa aksidente ko noong 2003. Kasi naging mahina ang alaala ko. Ngayon, kapag pumipikit ako, hindi na mukha mo ang nakikita ko. Si Simone Rota na. Minsan nga sinusubukan kong alalahanin ang itsura mo, pero hindi ko na magawa. Parang unti-unti na siyang nabu-blur. Daig pa ang mga out of focus kong shots pag nagcocover ng event.
Minsan din nakakalimutan ko na ang mahahalagang petsa ng ating pagsasama. Maging yung masasakit na din. Kung dati kaya kong ikwento in detail lahat-lahat, ngayon hindi ko na kaya. Parang bumabalik na nga ako sa normal. Minsan inaalala ko 'yung birthday mo, mga after 30 seconds ko na bago maalala. Kinakalimutan ko na din yung mga memory techniques para maalala ko lahat ng tungkol sa'yo. Sabi nila, mali daw yung tinatakbuhan ang mga ganito. Pero ganito ako e, mas gusto kong kinakalimutan ang lahat.
Sabi din ng kaibigan ko, bumalik na daw ako sa dati. Alam mo kung bakit? Kasi tahimik na daw ulit ako, lagi nalang ako nakikinig ngayon katulad ng dati kong sarili. Hindi katulad noong dati, yung height ng depression ko sa pagkawala mo, na wala na daw akong ginawa kung hindi paulit-ulit na ikwento ang nangyari.
Noong una, natatakot ako na kalimutan ka. Kasi ang totoo, ayaw kong makalimutan mo ako. Pero ganon yata talaga. Dapat kalimutan na natin ang isa't-isa. Kagaya ng mga kaibigan kong naka-move on na sa mga dati nilang jowa. Wala na silang pakialam sa isa't-isa. Mukha naman silang masaya.
Hindi ko kasi 'yan ma-gets noon. Akala ko kasi Disney Princess ako na once ma-fall-in-love ka sa isang tao, 'yun na 'yun. Kaso 2014 na nga pala. Hindi na effective 'yung true love's kiss para sa isang magandang happy ending.
Pero katulad ng sinasabi ko sa bestfriend ko, true love changes people. Nawasak na ang lahat ng konsepto ko sa pag-ibig ng dahil sa nangyari sa ating dalawa. Pero ayos din naman, dahil namulat ako sa realidad ng buhay. Tuwing nakikita ko ang nanay at tatay ko, naiisip ko, sana makahanap din ako ng taong magmamahal sa akin ng totoo at habang buhay. Sa palagay ko, mangyayari naman yun. 24 years ko na siya hinahanap e, ngayon pa ba ako maiinip?
Mas open na ako ngayon sa idea na kapag dumating siya, mas alam ko na. Hindi na siguro magiging kasing bigat. Kahit sinasabi pa ng mga kaibigan ko na babaan ko daw standards ko, eh ang totoo naman wala akong standards. Naniniwala kasi ako noon sa love at first sight. Katulad ng una kitang na-sight, tapos dahil medyo twisted din naman pag-iisip ko, pinaglaban ko nalang ang love na yon. Kahit noong una palang naman, may kutob na ako na hindi tayo magtatagal.
Kaya ngayon, nag-set na ako ng standards. Kaya ko na din magsabi ng "No". Saka mas may respeto na ako sa sarili ko. Noon e para akong baliw na kaya kong itapon ang lahat para sa'yo. Pero hindi ganito ang pag-ibig di ba? Dapat may room for growth ang bawat isa.
Noong nawala ka, doon ko nakita na ang dami palang meron ako na winawalang bahala ko lang. Hindi ko pala kayang itapon ang lahat ng ito para sa'yo. Lalong-lalo na ang pagkatao ko.
Habang nasa jeep ako noong isang araw, naisip ko, siguro ganito nga ang first love. Reckless, dangerous, stupid. Dadating ka sa point na sa sobrang pagkabulag mo sa idea ng love, lahat ng mali ay nakikita mong tama. Kahit alam mong nasasaktan ka na, willing ka pa din magpaka-tanga para sa kanya. True love nga e, di ba?
Pero dito sa mga pagkakamaling ito tayo mas natututo. Kung hindi ito nangyari, siguro mangmang pa din ako sa mga bagay na to. Ang pain naman ay temporary, fleeting. Totoo nga pala na sa mga bagay na ito mas lalong nalakas ang mga tao.
Kaya naman, salamat, patawad at paalam.